Ang Kamalian sa Pagtuligsa ng ‘Magkabilang Panig’ sa Salungatang U.S.-Tsina

Translation by: O.C.W.

Upang hamunin ang Bagong Cold War laban sa Tsina, dapat bitiwan ng mga nasa Kaliwa ang posisyong hindi nararapat na “ni Washington ni Beijing” at gambalain nito ang makinang pandigmaan ng Amerika.


Tr.jpg

Sa gitna ng isang pandaigdigang pandemya at isang matinding halalan ngayong 2020, ang Estados Unidos (U.S.) ay sumusulong sa pakikipagtunggali sa Tsina. Malinaw sa mga bulgar na pahayag ni Trump ukol sa "China virus” na ito ang pinagkakasunduan ng mga naghaharing uri, kung sino ang naguudyok ng isang matinding pagbabago sa orientasyon ng ugnayang panlabas, kung saan ang Tsina ay itinuturing na napakalaking banta sa kapakanan ng sangkatauhan.

Ang pamahalaan ng Pangulong Barack Obama ang nangasiwa sa “Pagbaling sa Asya” (“Pivot to Asia”), kung paano binalak ang paglipat ng 60 porsyento ng kakayahan ng hukbong-dagat ng U.S. patungo sa Pasipiko ngayong taon. Sa ilalim ng Pangulong Donald Trump, ang pagbaling sa Asya ay lalong tumindi: Noong Abril 2020, ang U.S. Indo-Pacific Command ay nagnais ng badyet na higit sa $20 bilyon upang malamangan ang Tsina sa pamamagitan ng pagpapalawak ng misil, radar at mga “precision-strike networks” sa kalahatan ng Pasipiko at Oceania.

Sa bawa’t pagkakataon, ang pamahalaang Trump ay nagtatangkang ihiwalay, parusahan at iwaksi ang Tsina. Inutusan nito ang mga kaalyado sa Europa na tanggihan ang pamumuhunan at teknolohiya na galing sa Tsina. Nagbabala rin ang administrasyong Trump ukol sa diumanong “panibagong agresyon” ng Tsina. Samantala, ayon sa kampanya ng kandidatong Demokratiko na si Joe Biden, sumuko daw si Trump sa Tsina. Maliwanag na ang magkabilang panig ay magkasundo pagdating sa Bagong Cold War. 

Ang “Bantang Tsina” ay lumilitaw bilang natatanging kontradiksyon na hinaharap ng imperyalistang Amerikano na unti-unting namamalayan ang sariling paghina at paglubog. Sa madaling salita, nasasaksihan natin kung paano nagtatalo ang naghaharing uri ng magkabilang panig kung sino ang maaring maging “pinakamahigpit” laban sa Tsina.

Ang mga sosyalista at mga kontra sa imperyalismo, lalo na ang mga naninirahan sa mga balwarteng imperyal tulad ng U.S. at Canada, ay may natatanging pananagutan na pigilan ang lumalalang agresyon. Gayunman, sa pangkalahatan, ang mga nasa Kaliwa ng Kanluran ay sumapi sa isang “ikatlong kampo” na itinuturing ang paghaharap U.S.-Tsina di lamang bilang kapwang paglala ng salungatan kundi bilang tunggalian ng magkatumbas na mga imperyalista.

Halimbawa, sa isang kontrobersyal na sanaysay sa pahayagan ng Demokratikong Sosyalista ng Amerika, pinaratangan nito ang Tsina bilang isang kapitalistang diktadura. Bagama’t walang katunayan, ipinahayag din nito na ipinapatupad ng Tsina ang “ambisyong pang-imperyalista” nito. Gayundin, sa isang panayam ng Jacobin kay Eli Friedman, propesor sa Cornell at isang may-akda, pinagsabihan nito ang mga sosyalista na talikuran ang nasyonalismo o ang pagkamakabayan, uring Tsina man o Amerika. Tinagurian din ni Friedman ang ugnayang U.S.-Tsina bilang isang “paligsahang etniko-nasyonal,” isang napakalaking pagkalito sa isang pandaigdigang imperyalista at sa isang bansang bahagi ng Pandaigdigang Timog na may kasaysayan ng pagiging biktima sa kamay ng mga makapangyarihang imperyalista. 

Ang mapanganib na pahayag na ang pagsalakay ng U.S. laban sa Tsina ay isang kapwang paglala ng salungatan ng dalawang diumano’y magkatumbas na mga bansa ay higit na nagpapalabo kaysa sa nagpapalinaw; ito ay sang-ayon sa propaganda laban sa Tsina, sa mga parusa, at sa pagpapalawak ng militar ng U.S. na ating nasasaksihan ngayon. 

Malinaw sa makatotohanang pagsusuri ng mga katunayan na ang tensyon sa pagitan ng  U.S. at Tsina ay hindi isang paligsahan para sa hegemonya, ngunit ito ay isang salungatan sa pagitan ng imperyalistang pangingibabaw ng Amerika at ng soberanya, kalayaan at multilateralismo ng Tsina. Dapat maunawaan ng mga nasa Kaliwa na ang sadyang paglala ng tensyon sa panig ng U.S. ay bahagi ng pangmatagalang pagsisikap ng imperyalismong Kanluran na mangibabaw, hubugin at kontrolin ang Tsina para sa sariling pakinabang.

Hegemonya Laban sa Multilateralismo

Bukod sa pagiging dalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo at palagiang mga miyembro ng United Nations Security Council, ang U.S. at Tsina ay magkaiba sa kanilang mga sistema ng pamamahala, naghaharing ideolohiya at oryentasyon tungo sa buong mundo. Kahit sa mabilisang pagsusuri ng kanilang patakarang panlabas, makikita natin na ang dalawang estado ay ganap na magkasalungat. 

Ang gobyernong U.S.—kasama ng kanilang mga “think tank” at mga katulong sa pribadong media—ay nananatiling nakatuon sa isang dogmatikong doktrinang Cold War na kung saan ang pag-unlad ng isa pang “dakilang kapangyarihan” na kumokontra sa hegemonya ng imperyalistang Amerikano ay nangangahulugang kumpetisyon at salungatan.

Noong ika-20 siglo, ang U.S. ay binago ng ideolohiyang ito upang maging pinakadakilang puwersa ng pulisya at mananakop na militar. Hanggang ngayon, ang U.S. ay nangingibabaw bilang pinakamalakas na militar sa buong mundo. May badyet ito na $750 bilyon sa 2020—higit na tatlong beses ng badyet ng Tsina—at nangangasiwa ng walang kaparis na mga 800 base militar sa higit na mga 70 bansa.  

Sa kabilang banda, paulit-ulit na itinuon ng Tsina ang sarili nito sa isang pangitaing multilateralismo, kung saan ang teorya nito ay isang “komunidad na magkabahagi ang kinabukasan para sa sangkatauhan”—isang konseptong isinadambana sa saligang batas sa pamamagitan ng pagsusog noong 2018. Ang teoryang ito ay batay sa kapwang paggalang sa soberanya at integridad ng teritoryo, walang pananalakay, walang paggambala, pagkakapantay-pantay at pakinabang, at ang mapayapang pagsasama ng isa’t isa. Noong 2020 Munich Security Conference, habang ang Kalihim ng Estado na si Mike Pompeo ay nag-udyok sa isang salungatang Cold War, ang kanyang katapat sa Tsina, ang Ministrong ng Ugnayang Panlabas na si Wang Yi, ay hinikayat ang mga dumalo na “lampasan ang pagkakaiba sa pagitan ng Silangan-Kanluran at ang paghihiwalay ng Hilaga-Timog.”

Ang mga alituntuning ito ay hindi lamang teoretikal, sa halip ito ay hubog sa karanasan ng Tsina sa ilalim ng kolonyalismo, sa pambansang kalayaan at sa pagkakaisa ng mga bansang bahagi ng Pandaigdigang Timog. Pinahayag ni Mao Zedong na ang kilusan ng pambansang kalayaan ng Tsina ay isang “pagsasagawang internasyonalismo”; kinilala nito na ang soberanyong Tsina ay ugnay sa laban sa kolonyalismo at sa mga kilusang proletaryado sa buong mundo.

Ang Pagsasagawa ng Internasyonalismong Tsina

Mangyari pa, ang mga matatayog na alituntuning ito ay walang nilalaman o saysay kung ito ay papahinain habang ito ay isinasagawa. Gayunman ay patuloy na nagsisikap ang Tsina patungo sa isang “mapayapang pag-unlad” sa kabila ng kasalungatan ng mga Kanluranin.

Hindi nakipaglaban ang Tsina sa isang digmaan sa higit na apat na mga dekada, kung kailan ang imperyong Amerikano ay lumunsad ng lantad at patagong digmaan sa Iraq, Afghanistan, Libya at Yugoslavia, bukod sa iba pa. Noong pinasabugan ng U.S. ang embahada ng Tsina sa Belgrade noong 1999, ang gobyerno ng Tsina ay nakipagkasundo tungkol sa bayaran sa mapayapang paraan, sa kabila ng malawakang protesta laban sa mga Amerikano sa buong bansa. At habang ang kanilang gastos sa militar ay palaki nang palaki itong nakaraang dekada, sinumang laban sa imperyalismo ay hindi tatanggi na ang pagkakaroon ng isang makapangyarihang militar ay isa sa natatanging bagay na pumipigil sa imperyalismong Amerikano na magpatupad ng sadyang pagpatay sa tao, pagbagsak ng ibang mga pamahalaan, at tuwirang pananakop. 

Inilantad ng pandaigdigang pandemyang COVID-19 ang matinding pagkakaiba sa pagitan ng imperyalismong Amerikano at ng multilateralismo ng Tsina. Habang tumanggi ang U.S. na tanggalin ang mga malupit na parusa laban sa Iran, North Korea at Venezuela sa kabila ng mga paghihirap ng mga bansang ito na tumugon sa pandemya habang sila ay pinutol sa pandaigdigang merkado ng pananalapi, ang Tsina at Venezuela ay lumikha ng isang pagtutulungang panghimpapawid upang mapadali ang pagdaloy ng mga toneladang test kit, mga personal na kagamitan sa proteksyon at iba pang mga panustos na medikal sa Venezuela. Nagpadala rin ang Tsina ng mga kargadang panustos medikal at ng mga dalubhasang mediko sa Iran. Makaraan ng isang linggo pagkatapos isinagawa ng U.S.ang isang panghimpapawid na pagsalakay sa Iraq, dumating ang isang delegasyong mediko galing sa Tsina upang tulungan ang pambansang laban sa pandemya, magsanay ng mga manggagamot sa siyam na lalawigan ng Iraq at dagdagan ng higit na tatlong beses ang kakayahan ng bansa sa pagsusuri ng COVID-19. Nagpadala din ang Tsina ng tulong at panustos sa Palestine, Syria at iba pang mga bansa.

Ang talaang ito ay sapat na upang pabulaanan na magkapantay ang dalawang bansa. Kung hindi mapapahalagahan ng mga sosyalistang Kanluranin ang pagkakaibang ito, ang mga mamamayan ng mga bansang ginutom at pinarusahan ng U.S. nguni’t tinulungan ng Tsina ay nakakatiyak.

Bukod dito, nangako ang Pangulong Xi Jinping ng Tsina na papadaliin ang magkasanib na pagtayo ng mga bagong punong-himpilan ng Africa Centers for Disease Control and Prevention pati na rin ang isang network ng China-Africa Friendship Hospitals—isang matibay na sagisag ng pagkakaisa, na ayon sa babala ng U.S., ito raw ay gagamitin para sa “pagbabakay.” Ang pahayag na ito ay lumitaw ilang linggo matapos mangako ang Tsina na dadagdagan nito ng $30 milyon ang ambag sa World Health Organization (WHO) matapos bawiin ng pamahalaang Trump ang taguyod nito sa WHO. Pinuna ng mga pinuno ng African Union na ang pagbawi ng ambag ay makakasama sa pangmatagalang gawain na may kinalaman sa epidemya sa sanlupain.

Bagaman ang mga pinunong Amerikano tulad ni Hillary Clinton at Pompeo ay nagbabala na ang mga pamumuhunan ng Tsina sa Africa ay isang “bagong kolonyalismo,” malinaw na ang salaysay nila ay nagsisilbi para makasanayan ang hegemonyang pampinansyal ng Kanluran sa Africa: Noong 2017, 41 porsyento ng direktang pamumunuhang dayuhan ay nagmula sa Kanlurang Europa, 19 porsyento mula sa Hilagang Amerika at 8 porsyento mula sa Tsina. Samantala, ang pamumuhunan ng Tsina, na halos lahat ay pagmamay-ari ng estado at hindi gaanong reaktibo sa pabago-bago ng mga pribadong merkado, ay mayroong proporsyonal na paglikha ng trabaho na halos triple kumpara sa U.S. Bukod dito, kakaltasin din ng Tsina ang mga pautang na walang interes nito sa mga gobyernong Aprikano na takdang magaganap sa katapusan ng 2020.

Habang itinutulak ng Kanluran ang salaysay na “diplomasyang bitag-utang” (“debt-trap diplomacy”) ng Tsina sa Pandaigdigang Timog, ang mga pinunong makapangmamamayan sa mga bansang tulad ng Zambia at ng Bolivia (bago mag-kudeta) ay nakahanap ng alternatiba sa mahigpit na pagpapautang ng International Monetary Fund (IMF) at ng pagkakataon na pangasiwaan ng gubyerno (nationalize) ang mga kayamanang pang-industriya at paunlarin ang mga pagmamanupaktura na may karagdagang halaga (value-added manufacturing). Habang ang IMF at World Bank ay nag-aalok ng pautang kapalit ng mga programa at planong paghihigpit, iginiit ni Xi na ang “modelong Tsina” ay hindi iniluluwas, tulad ng pagguhit ng Tsina ng sariling landas at ang pagtanggi nito sa pag-angkat ng mga modelong Kanluranin, ang mga bansang umuunlad ay kailangang tumugon sa kanilang natatanging pambansang kalagayan.

Ang Maling Paniniwala na Magkatumbas ang U.S. at Tsina ay Ikinukubli ang Agresyong Amerikano 

Ang pagtalikod sa maling palagay na ang Tsina at U.S. ay dalawang magkatumbas na imperyalista na kapwang pinapalubha ang kanilang tunggalian ay hindi nangangahulugan na ang Tsina ay isang “paraiso ng manggagawa” o na ito ay isang “utopyang kominista.” Ang Tsina ay tiyak na mayroong maraming pagkakasalungatan, kabilang na ang hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng lunsod at bayan, ang pagkasalalay nito sa mga merkadong Kanluranin at ang hindi pagkakapantay-pantay ng kayamanan. Gayon pa man, dapat igiit na ang bawa’t isa sa mga pagkakasalungatan na ito ay malamang na mas malulutas kapag ang pangunahing pagkakasalungat—ang imperyalismong U.S.—ay mapangingibabawan.

Halimbawa, ang pakikibahagi ng Tsina at U.S. sa isang “digmaang pangkalakalan” ay bahagyang sinimulan ng U.S. at Canada sa kanilang pagtatangka na disiplinahin ang Huawei, ang higanteng Tsino sa teknolohiya, dahil sa paglabag nito sa mga kaparusahan (sanctions) sa Iran. Inilalarawan nito na ang katangian ng relasyong U.S.-Tsina ay ang pananalakay ng imperyalistang Amerikano. Ang mga makabuluhang punto nitong digmaang pangkalakalan—ang pagtatapos ng paghihigpit ng Tsina sa mga bangkong dayuhan at ang pakikibahagi ng estado sa ekonomiya, at ang pagtatanggol ng karapatan sa ari-ariang intelektwal ng mga Kanluranin at ang pagpapatupad ng kaparusahan sa lumalabag sa mga karapatang ito—ay inilikha upang lipulin ang soberanyang pang-ekonomiya ng Tsina, bukurin ang sumusulong na industryang pang-teknolohiya nito at subaybayan ang mga malayang pakikipag-ugnayan nito sa ibang mga bansa.

Inudyok ng digmaang pangkalakalan ang mga media na mag-asam sa pagkakataong “buksan ng Tsina ang kanyang industriyang pinansyal na nangangahalagahan ng $45 trilyon” sa mga Kanluraning kumpanyang pinansyal katulad ng American Express at JPMorgan, kung sino ay nakapsok sa Tsina sa kabila ng mga patakarang proteksyon nito kasunod ng pagluwag ng mga patakarang digmaang pangkalakalan. Huwag tayong magkamali: hindi ito isang paligsahan, nguni’t isang imperyalistang pagtatangka na paghati-hatian muli ang Tsina.

Sa isang tila-sosyalistang panibagong pagbansag ng pasanin ng mga puting tao (white man’s burden), ang mga Kanluranin na bahagi ng ikatlong kampo ay nagpahayag ng kanilang “pakikiisa sa mga mamamayang Tsino” sa kanilang inaakalang pakikibaka laban sa pamahalaang awtoritaryan. Bukod sa katulad ito sa mga mapagkawanggawang pahayang ng mga kagaya nina Steve Bannon at Pompeo, and mga paniniwalang ito ay nagpapatahimik sa mga 90 milyong kasapi ng Partido Komunista ng Tsina, lalo na ang matimbang na suporta at tiwala nito sa kanilang gobyerno, ayon sa iba’t ibang pagsisiyasat sa pag-iisip ng mamamayang Tsino.

Itinatago at tinatakpan ng mga walang kabuluhang pahayag na ang Tsina at U.S. ay magkatumbas ang tumitinding agresyon ng Amerika, di lamang laban sa Tsina kundi laban din sa mga “bansang kalaban” na sinagip ng Tsina sa pamamagitan ng pagbigay ng mahalagang tulong diplomatiko at pang-ekonomiya. Ang pananatili sa isang purong ideolohiya at ang makatamarang pagtuligsa ng “magkabilang panig” ay isang pagtalikod sa kapangyarihan at plataporma na bahagi ng pagkamamamayang imperyalista.

Upang magsagawa ng isang matinding hamon sa Bagong Cold War laban sa Tsina, nararapat na talikuran ng mga nasa Kaliwa ang mga pambatang palagay na magkatumbas ang U.S. at Tsina, at magsikap na gambalain ang makinang pandigmaan ng U.S. sa bawa’t dako ng mundo.

Previous
Previous

Binnen-Mongolië en tweetalig onderwijs in China

Next
Next

Sinophobie Inc: Comprendre le complexe industriel antichinois